Pinili kong mag-payunir, hindi dahil wala akong magawa, o nababagot sa buhay o sa gawaing bahay. Ang totoo ang talaan ko noon ng gagawin ay umaapaw, sa aking baso ng buhay, punong-puno ng mga tulad tubig na mga pangarap, dahil hindi masisiksik, tumatapon na lamang ang mga oras, nasasayang, sa mga tunguhing maka-sarili.
Saan ko isisiksik ang Diyos na Jehova sa baso kong punong-puno ng aking sarili? Kung idadagdag ko siya, tatapon lang siya sa sahig.
Ibig kong sumulat ng sandaang tula, hanap ang papuri ng mga taingang nakiliti sa tunog ng mga titik at bilis ng bigkas ng mga labi. Ibig ko ring umawit sa saliw ng gitara, tinig ay marinig, at maaliw ng matamis nguni't mababaw na pagsinta. Ibig ko ring bumasa ng sanlibong aklat, upang dunong ay tumalas, at kaalama'y maimbak. Marami, marami pang ibang gawin, nguni't ang aking baso'y punong-puno na.
Pinili kong magpayunir, hindi dahil wala akong magawa. Sa halip, pinili kong itapon ang tubig ng aking pagka-makasarili, hinayaaan kong mabasa ang puso kong tulad lupa na naging tigang sa pagibig sa Diyos at kapuwa. Hinayaan kong ito ay punuin sa halip ng tubig ng buhay, ng pagibig kay Jehova, at kapuwa. Walang tinapon sa sahig.
Pinili kong magpayunir, dahil marami ang ibig kong gawin para kay Jehova, nguni't ang panahon parang tubig ay natutuyo na. Baka mauhaw ako sa mga espirituwal na gawain, nguni't tumigil na ang tubig ng buhay sa pagdaloy ng malaya, inurong na ng Diyos ang kaniyang awa, at maiwang hawak-hawak ang basong humihingi ng kaunting patak ng awa. Nguni't huli na.
Pinili kong magpayunir dahil ibig ko na mapuno ang aking baso ng buhay ng mga pagpapala, ng mga panalanging dinirinig, ng lakas na higit sa karaniwan sa panahong ako'y nagbabata, ng ngiti ng pagsangayon sa tuwing ako'y sa langit titingila.
Kaya, huwag mong iisipin, na pinili kong magpayunir dahil wala akong magawa.