Mahirap din palang umibig, parang tanong
na ayaw mong sagutin, nguni’t ayaw kang lubayan,
parang maliit na isda na lumalangoy sa loob
ng isip mo, hindi makaalpas, umiikot-ikot lang,
sa mga gilid ng utak mo na itanago sa loob
ng iyong bungo, kasi matigas ang ulo mo.
Kung ang isip mo ay isang aquarium,
ang dami mo nang ulit na tinuyo ang tubig nito,
pinadaan sa iyong namulang mga mata, ang sama ng loob,
hinanakit, umagos sa iyong mga pisngi,
nalasahan ang alat nito. Pero parang bottomless
ice tea lang. Pinababayaan mong ma-refill.
Mahirap talagang umibig, parang mamahaling kotse
na nabangga kahit nakahinto ito. Hindi mo maiwan
kasi mahal mo na siya, at mahal talaga siya.
Pinaghirapang maipon para mabili, maraming gabi ka
na umuwi para lang maisubi ang mga inipong halaga.
Aayusin mo na lang, ibabalik ang ganda.
Kung ako ay isang tanong pa rin sa isip mo, hayaan mo
na guluhin na lang kita kasi mahirap din pala talaga ang umibig.