Friday, December 24, 2021

Pasko sa Ilang, 1914

Walang pag-ibig sa ilang ng digmaan. 

Huwag magtanong, bakit ikaw ang papaslangin?

Tuliro lamang sila sa pagapuhap ng sagot.


Walang bituwin ngayon para gumabay,

Nguni't bawa't isa'y nahanap ang kapayapaan

sa ingay ng halakhak ng kaaway.


Hindi ka ngingiti sa salitang ito,

pumatay. Isang bala ang pumunit sa ala-ala

ng Paskong dumaan. Tapos na ang caroling.


Hinigop muli ang mga kawal palayo

sa kapayapaan, at sa mga pag-awit 

at mga pagbati ng kapaskuhan.


Ito na ba ang wakas? Sa isang bangkay 

ng kaaway, nasabi ng isa, nabati ko siya

kahapon ng 'Maligayang Pasko'.

Sunday, December 19, 2021

Matinding Lamig

 Sa TV newscast, ang weather ng lungsod

ay mababa pa sa zero degrees Celsius.


Wala namang ulat tungkol sa

malamig na ulang tumakip ng niebe.


Madaling magpatulog, ganitong kalamig na paligid,

kung hindi magpapainit gamit ang mga aklat at kumot.


Sa ibabaw ng mesa ang tula ay nangatal sa ginaw.

Inakay ko ito kung saan


Nguni't wala itong pang-ginaw para sana

mabata ang lamig ng hangin at ulan.


Nanigas na lamang sa lamig ang mga salita,

naghihiwalay na tuloy ang mga titik,


Hanggang naisuko ang espiritu niya

samantalang ang kape at melatonin ay


Tinapos ang lahat habang iniwang

bukas ang TV nang magdamag.