Dati-rati tumitig ang aking musmos na isip sa pisara ng buhay,
sinundan ang pagguhit ng tisa ng mga titik, bilang at iba pa
mula sa daliri ng maraming guro na tumayo, bumigkas, at nagkumpas
sa harap nito, sa umaga o hapon, sa init o ginaw ng tag-ulan.
Sumulong ang mga araw ng aking buhay. Ilang ulit kong inakyat
ang mga hakbang ng mga hagdan tungo sa ikatlong palapag ng pagsisikap,
kung minsan humihinto at sinisilip ang mga iniwang hakbang,
at pagkatapos tinipon ang lakas upang pumasok sa bago at di-kilalang silid
Na marahil ay may kinukubling hamon. Makikipagtuos ba ang aking isip at lakas,
O susubok ba upang bumuo ng mga bagong ugnayan, harapin ang mga bagong atas
na iuuwi sa tahanan, mga bagong aklat na ang mga pahina ay parang
mga lansangan na ngayon ko pa lang kikilalanin?
Sa kinabukasan, lahat ay iguguhit muli sa mga pisarang magbibigay liwanag
sa mga kaisipang nasakluban ng kulimlim, sinalat sa unawa at karunungan,
nguni't salamat sa matiyagang mga kamay na humawak ng tisa
at humawi sa kulambong ng isip upang doo’y sumilay ang liwanag.
Sa ngayon, naroon pa rin ang mga pisara sa kanilang mga dingding,
nguni't nagbagong anyo na ang paligid. Wala na ang mga guro
na sa aking kabataa'y naging pangal'wang magulang.
Iba na ang ingay ng paligid, ibang tinig ng hiyawan at saya.
Para sa akin panglabas na anyo lamang ang nawala.
Ito pa rin ang Republic Institute ng aking ala-ala.
No comments:
Post a Comment