Tuesday, October 12, 2021

Sa May Simpleng Isip

Madali lang daw dayain at iligaw
ang may simpleng isip. Madaling
gambalain at agawin ang pansin.

Iyan daw ang totoo ani Maslow,
basic need o instincts muna
tulad ng simula hawak niya

ang serbesang napakalamig,
bumubula-bula pa.

Inakala mo, ang isip niya ay nasa lasa
ng gintong likido na dumadaloy
ang lamig sa lalamunan.

Pero nagkamali ka. Minsan
ang ilaw ay bumukas at tinutok
sa katawang hinuhubog ng liwanag

kaunting kembot lang
kinalimutan na ang katotohanan

ng masarap na serbesa,
ginambala na, niligaw na ang mata
at hinayaang mawala ang lamig at bula.

Huwag kang magtaka sa eleksiyong darating,
iiwan niya ang katotohanang hawak sa buhay
tulad ng serbesang isinantabi kapalit

ng pakembot-kembot at ilaw
sa entablado ng kampanya.

No comments: