Friday, February 18, 2022

Para Tayong Mapulang Alak

Mayroong saya na masilip ang iyong tingin 

mula sa iyong mga mata na nagbabalik 

ng mga ala-alang noong una kang tanawin, 

mga sulyap na naghagis ng mga salitang di nabigkas.


May hiya na nahayag sa sabay na pagsulyap, 

mga pagkakamaling nagdala ng tuwa sa puso

na pilit na naglilihim, nguni't sa lakas ng tibok nito'y 

pinupunit ang dibdib.


Bakit pilit pa rin na inaabot ang mga kamay 

na gustong haplusin, mga brasong ayaw bitawan, 

hindi ka naman umaalis, narito lamang tahimik, 

at may pilyang ngiti sa kapiling.


Para tayong mga pulang alak na sa pagtanda 

ay lalong tumamis, na noong tangan na ang kopa 

at nasimsim ang kaniyang lasa, may pagsangayon 

na sasabihin, ito ang pinakamagaling!


Itago pa natin nang buong ingat ang mga ala-alang 

parang alak, hayaan pang lalong tumamis, at ilayo 

sa init ng mga pagaalinlangan, upang patuloy 

na magsanib ang mga ala-ala at ngiti.

No comments: