Bakit ka nagpaalam at nanlamig
ngayong tagulan man din
Sa buwan ng Mayo na laging
basa ng ulan ang lansangan
Dito pa sa Paseo Starbucks
Kung saan kitang-kita ng lahat
Ang aking pagbabagong-anyo
Pati capuccinong mainit sa kamay
Pumaso pa?
"Charlie, I'm sori, got to go na."
Tumayo ka na at ako'y iniwan
Ano pa bang masasabi
Di ako type na pumipigil?
Bumuhos na naman ang ulan
Sa salamin ay sumilip
Di makita dyipni, bus, at tao sa labas
Humahampas ang hangin
(Nainis sa sarili,
ang aking payong kung bakit ko iniwan)
Si Bamboo umaawit sa aking tainga.
Bakit naninikip ang dibdib at
Nagbabaga ang mga mata?
Buntong-hininga,
Isa pa, isa pang muli baka guminhawa.
Tumahimik na ang tugtog sa tainga.
Di ko malay kung sa akin
Ay may tumitingin ba
Napako yata ako sa silya
Kung ilang oras di ko natantiya
Madilim na, nagsindi na mga ilaw
Sa mga poste ng Paseo
Tumigil na pala ang ulan
Masikip pa rin ang lansangan
Parang dibdib na naulila sa sinta.
No comments:
Post a Comment